Napipintong pagkabigo ng halalan, Arroyo ang makikinabang
QUEZON CITY -- "Gusto naming ng kapani-paniwalang eleksyon, ayaw na namin patagalin pa si Arroyo sa posisyon” ayon sa lider ng grupo ng mga katutubo mula sa KATRIBU partylist. “Maaring manatili si Arroyo sa poder kung hindi matutuloy ang eleksyon sa Lunes o kung mabibigo ang automated elections system,” aniya.
Habang iginigiit ng Comelec na tuloy ang eleksyon sa Mayo 10, nangangamba ang KATRIBU Partylist na hindi kayang garantiyahan ng Comelec na wala nang depekto ang mga cards na ipapalit, at kayang maihatid ng Smartmatic sa iba”t ibang clustered precints sa takdang oras ang 76,300 compact flash (CF) cards na kapalit ng naunang depektibong CF cards na naipakalat.
"Wala nang kredibilidad ang Comelec," sabi ni Beverly Longid, taga-pangulo ng KATRIBU Partylist. "Kung seryoso ang Smartmatic at Comelec sa maayos at kapani-paniwalang halalan, noon pa sana nasuri ang mga cards at makina." Sa mga probinsya ng Kordilyera, Central Luzon at Negros kung saan may mga konsentrasyon ng mga katutubo, hindi pa naihahatid ang mga PCOS machines.
Sa mga naunang pahayag, sinabi ng KATRIBU na hindi lamang kapabayaan ang dahilan ng teknikal na problema sa mga makina. "Matagal nang hiniling na isa-publiko ang mga source codes para ma-review ng mga NGO at IT experts, ngunit tumanggi ang Smartmatic at Comelec," sabi ni Longid. Ang source code ay ang magbabasa ng mga boto at magtatakda ng gagawin ng makina. "Mabibigat ang mga usaping ito sa kredibilidad ng eleksyon, ngunit wala namang konkretong sagot ang Comelec," dagdag nito.
“Nakakabahala na hindi pareho ang manual at automated tally. Sa Maynila at sa ilang probinsyang sumubok sa PCOS, may mga botong hindi binibilang ang makina," hayag ng grupo. Ayon sa ilang ulat, hindi rumerehistro sa PCOS machine ang boto ng ilang kandidato sa mga lokal na posisyon lalo na ang mga kandidato sa ilalim ng Nacionalista Party.
“Kung hindi nito binabasa ang mga boto ng NP, lalong hindi ang mga progresibong kandidato,” ani Longid. Bahagi ang KATRIBU Partylist ng progresibong partidong Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o MAKABAYAN.
Naniniwala ang grupo na malamang ang pagpalpak ng automated election, at nagbabadya din ng malawakan at ‘high tech’ na dayaan. “Malaki ang magiging pananagutan ang Smartmatic at Comelec kapag nangyari ito,” ani ni Longid.
“Higit pang malaki ang pananagutan ng administrasyong Arroyo kapag nangyari ang failure of election at automated na dayaan. Hindi papayagan ng Katribu Partylist na maging tuntungan ni Arroyo ang pagkabigo ng halalan para mapanatili pa ang sarili sa poder,” pagtatapos ni Longid. ##







